Ang Tren The Train


Tila ahas na nagmula
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo't mga bukas na bintana.

Ang rail na lalakara'y
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay,
sa Tutuban magmumula't patutungo sa Dagupan.

O, kung gabi't masalubong
ang mata ay nag-aapoy,
ang silbato sa malayo'y dinig mo pang sumisipol
at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.

Walang pagod ang makina,
may baras na nasa r'weda,
sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada,
tumetelenteng ang kanyang kainpanada sa tuwina.

"Kailan ka magbabalik?"
"Hanggang sa hapon ng Martes."
At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig,
sa bentanilya'y may panyo't may naiwang nananangis.

Rate this poem: 

Reviews

No reviews yet.